KORONADAL CITY – Isolated pa rin hanggang sa ngayon at halos nasira ang mga daan sa isang Sitio sa bayan ng Banga,South Cotabato na naging apektado ng malawakang baha dulot ng malakas na pagbuhos ng ulan noong nakaraang mga araw.
Ito ang kinumpirma ni Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer (MDRRMO) Joseph Franco sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Franco, pahirapan pa rin sa ngayon ang daan papasok sa Sitio Lambalas sa Barangay Rang-ay sa nabanggit na bayan dahil sa halos na-wash-out na daan dulot ng malakas na tubig baha dahil sa pag-apaw ng tubig sa Banga river.
Maliban dito, maraming imprastruktura din ang nasira sa karatig barangay na Elnonok at Lam-apus.
Samantala, nasa sampung barangay naman ang may naitalang pamilya na apektado na umabot na sa halos 300 o nasa higit 500 indibidwal.
Sa usaping agrikultura, nasa halos 90 ektarya ng palayan ang sinira ng baha kabilang na ang mga palaisdaan kung saan naitala ang P4.1Milyon na inisyal na pinsala sa isinagawang damage assessment at nasa higit 100 magsasaka ang apektado.
Kaugnay nito, agad naman na nabigyan ng agarang tulong gaya ng relief packs ang mga apektadong pamilya ngunit pinoproseso pa ang ibibigay na ayuda o tulong sa mga apektadong magsasaka. Samantala, pinag-aaralan pa sa ngayon kung magdedeklara ng state of calamity ang nabanggit na bayan dahil sa pagtama ng kalamidad.