TACLOBAN CITY – Patay ang isang sundalo at lima ang sugatan sa muling pangbobomba o pagpapasabog ng pinagbabawal na Anti Personnel Mines (APM) ng mga pinaniniwalaang mga miyembro ng New People’s Army sa Brgy. Osang ng Catubig Northern Samar ngayong araw.
Sa impormasyon mula 20th Infantry Battalion ng Philippine Army, nagsasagawa ng combat patrol ang tropa ng mga militar sa nasabing lugar kung saan bigla na lamang sumabog ang nasabing mga landmines.
Sa ngayon ay hindi pa pinangalanan ng Philippine Army ang namatay na biktima samantala dinala naman sa Eastern Visayas Medical Center ang mga nasugatang sundalo.
Nabatid na noong nakaraang Hulyo 5 lamang ay nagpasabog rin ang mga NPA ng mga anti personnel mines sa Brgy. Magsaysay, Mapanas Northern Samar kung saan pito ang nasugatang sundalo.
Ayon naman kay Capt. Ryan Layug, tagapagsalita ng 8th Infantry Division Philippine Army, mariin nilang kinokondena ang patuloy na paggamit ng mga NPA ng pinagbabawal na APM at nanawagan rin ang mga militar sa Commission on Human Rights na imbestigahan ang nasabing paglabag ng mga NPA sa Ottawa Convention International Humanitaritian Law.