-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Kinondena ng Sorsogon Provincial Tourism Office ang isinagawang iligal na island hopping sa Matnog, Sorsogon na ikinasawi ng isang turista.

Kahapon ng tumaob ang bangkang sinasakyan ng nasa 12 turista sa Subic Saday Beach ng Barangay Calintaan na dahilan ng pagkalunod ng biktima na kinilalang si Daniel Bacolod Delmo na mula pa sa Pasay City.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Sorsogon Supervising Tourism Operations Officer Bobby Gigantone, tumaob ang bangka dahil sa overloading sa dami ng mga sakay nito dahilan upang mahulog sa dagat ang mga turista na ikinasawi ng nasabing biktima.

Lumalabas naman sa imbestigasyon na hindi rehistrado sa kanilang opisina ang isinagawang island hopping habang walang certifcate of public convenience ang ginamit na bangka kung kaya malinaw na iligal ang isinagawang aktibidad.

Dahil sa insidente, mahigpit ang payo ngayon ng Sorsogon Tourism Office sa publiko na siguradohing dumaan sa tamang proseso kung susubukang mag-island hopping sa lalawigan upang makatiyak na ligtas ang pagbiyahe.

Samantala, nasa kustodiya na ngayon ng mga otoridad an kapitan kan bangka na si Ramon Gile ng Tablac, Matnog para sa pigsasagibong imbestigasyon.