CAUAYAN CITY – Ligtas ang mag-asawang lulan ng van na bumangga sa poste ng kuryente at nagliyab sa kahabaan ng lansangan na bahagi ng San Manuel, Naguilian, Isabela.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Naguilian Police Station pasado ala-1 ng hapon nang binabagtas ng Hyundai grace van na minaneho ni Ferdinand Aglojos Kayapa kasama ang kanyang asawa ang kahabaan ng daan sa barangay San Manuel nang bigla itong nawalan ng preno.
Sinubukan umano ng tsuper na ilihis ang van sa mataas na bahagi ng gilid ng kalsada subalit bumangga ito sa poste ng kuryente.
Dahil dito ay tumagilid ang sasakyan at agad namang nailabas ng mga residente ang mag-asawang lulan nito bago ito tuluyang nagliyab at nasunog.
Kapwa nagtamo ng galos sa katawan ang mag-asawa na agad dinala sa Provincial Hospital ng mga rumespondeng kasapi ng BFP Naguilian para malapatan ng lunas.
Samantala, itinanggi ng BFP Naguilian ang umano’y pagtitipid nila sa tubig nang tumugon sa insidente.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay SFO2 Shereelyn Liwag ng BFP Naguilian sinabi niya na may sinusunod silang hakbang sa pagtugon ng sunog at may limitasyon din ang pressure at tubig ng kanilang fire truck.
Aniya, may ilang netizen ang nagkokomento na tinipid nila ang pagsasaboy ng tubig sa nasusunog na van sa barangay San Manuel.
Nilinaw niya na dahil bumangga sa poste ng kuryente ang van bago nagliyab ay hindi ito pwedeng direktang sabuyan ng tubig dahil posibleng manganib ang buhay ng kanilang mga bumbero lalo at mabilis na gumagapang ang boltahe ng kuryente sa tubig.
Muling nagpaalala ang BFP Naguilian sa publiko na unahin muna ang pagtawag sa mga bumbero kaysa sa pagkuha ng video o litrato tuwing may insidente ng sunog.