-- Advertisements --

LAOAG CITY – Arestado ang isang welder matapos nakumpiska ang halos 300 gramo na pinaghihinalaang shabu na nagkakahalaga ng P2,040,000.00 sa isinagawang anti-illegal drug buy-bust operation sa Barangay 3 San Nicolas dito sa lalawigan ng Ilocos Norte.

Ayon kay P/Capt. Randy Damo, Hepe ng San Nicolas Municipal Police Station, ang suspek ay kinilala bilang si Donden Mark Antonio, 31 anyos, walang asawa at residente ng Barangay Root sa bayan ng Dingras.

Sinabi niya na ang suspek ay nadakip matapos na nahuli ng pulisya na may tatlong ice bag kung saan may isang medium na heat-sealed transparent plastic sachet at dalawang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu.

Bukod dito, nakumpiska pa mula sa suspek ang isang glass tooter na naglalaman ng white residue, isang plastic packaging na naglalaman ng white residue, isang digital weighing scale, dalawang packs na open transparent plastic sachets at ilang drug paraphernalia.

Paliwanag ni P/Capt. Damo na ang suspek ay maituturing na Street Level Individual pero dahil sa dami ng mga drogang nakumpiska ay maituturing na siyang isang High Value Individual.

Samantala, ang suspek ay kinilala bilang isang drug surrenderee at sinusubaybayan ito sa loob ng dalawang buwan.

Sa ngayon, sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang nadakip na suspek.