Heart disease pa rin ang nangungunang dahilan ng pagkamatay ng mga Pilipino sa bansa noong 2023.
Ayon sa inilabas na ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA), mahigit 107-K na katao ang namatay dahil sa Ischaemic heart disease o katumbas yan ng 19% ng total deaths noong nakaraang taon.
Kapareho noong 2022, ang naturang heart disease rin ang nangunang sakit na ikinamatay ng mga Pilipino kung saan mahigit 121-K naman ang nasawi dahil dito.
Hindi rin nagbago ang pwesto ng neoplasms at cerebrovascular diseases na ikalawa at ikatlong sakit na ikinasawi ng mga Pilipino.
Mahigit 60-K na katao ang namatay dahil sa neoplasms o tumor. Habang nakapagtala naman ng mahigit 57-K na katao ang nasawi dahil sa cerebrovascular diseases.
Nasa ulat din ng ahensiya ang diabetes na nasa ikaapat na puwesto habang ikalima naman ang pneumonia.
Ayon sa PSA, bumaba ang bilang ng mga naiulat na namatay noong 2023 na umabot lamang sa mahigit 567-K kumpara noong 2022 na nasa halos 680-K.