CAUAYAN CITY – Inihayag ng Isabela Electric Cooperative (ISELCO) 2 na nais nilang iapela ang sinasabing overcharging noon ng kanilang dating supplier.
Sa naging pahayag ni Engr. Erni Baggao, acting General Manager ng ISELCO 2 sa ginanap na pulong pambalitaan ng ISELCO 2 sinabi niya na hindi lamang isang milyong piso ang pinag-uusapan dito kundi ilang daang milyong piso at ang isa ay nasa isang bilyong piso kaya nais nilang maghabol sa dalawang kompanya na dati nilang pinagkunan ng suplay ng kuryente.
Ang kanilang kontrata ay base load kaya may mga hindi sila nagagamit ngunit kanila pa ring binabayaran kaya maituturing na overcharging na ito.
Umaasa naman ang pamunuan ng ISELCO2 na maibabalik ang mga ito at upang mairefund nila sa mga consumers na naapektuhan sa mataas na singil ng kuryente.
Samantala sa ngayon ay may mga plano na sila sa mga susunod nilang kontrata sa mga supplier upang mapababa ang kanilang rate tulad ng pagkuha ng suplay ng kuryente sa hydroelectric power plant sa Ramon, Isabela.
Sa kasalukuyan ang kanilang supplier ng kuryente ay gumagamit ng coal kaya nais nilang kumuha ng supply sa mga natural resources tulad ng hydro-electric power plants na inaasahang magpapababa sa singil ng kuryente.