-- Advertisements --
comelec cavite
Office of Comelec chairman George Erwin Garcia

Maayos, malinis, tahimik, ang naging takbo ng botohan sa ikapitong distrito ng Cavite.

Iyan ang paglalahad ni Commission on Elections (Comelec) chairman George Erwin Garcia sa isinagawang special polls na kakatawan bilang representative ng 7th district ng Cavite.

Ang ikapitong distrito ay binubuo ng mga munisipalidad ng Amadeo, Indang, Tanza at Trece Martires.

Ayon pa kay Garcia, may mangilan-ilan na minor technical glitches ngunit aniya hindi ito nakaapekto sa resulta ng halalan.

Dagdag pa, isa rin aniya sa kagandahan ng isang automated election ay mas napabilis nito ang pagbibilang ng boto.

Agad namang nagsagawa ang Comelec ng random manual audit kasunod ng botohan.

Paliwanag ni Garcia, ang isasagawang random manual audit ay para masiguro ang transparency at tama ang naging resulta ng halalan.

Ang random manual audit ay inumpisahan ng provincial board of canvassers para sa muling pagbibilang ng official vote canvass.

Una rito, si Crispin “Ping” Remulla ay idineklara noong linggo ng umaga ng mga opisyal ng Commission on Elections (Comelec) sa loob ng Cavite Provincial Capitol.

Pinalitan niya ang kanyang ama, na si Jesus Crispin “Boying” Remulla, na hinirang na Justice Secretary ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ilang sandali matapos ang botohan noong Mayo 2022 na nagresulta sa pagkabakante sa posisyon.

Ang nakababatang Remulla, na naging 7th district provincial board member ay nakakuha ng 98,474 na boto, na tinalo ang dating mayor ng Trece Martires City na si Melencio de Sagun na may kabuuang boto na 46,530, samantala si Lito Aguinaldo naman ay nakakuha ng 1,610 na boto at Mike Santos na mayroong boto na 1,068.

Lumalabas na ang total turnout ng mga boto sa naturang distrito ay nasa 42.11 percent lamang o 149,581 counted votes mula sa 355,184 registered voters.