-- Advertisements --

Inako ng grupong Islamic State of Iraq and the Levant (ISIL o ISIS) sa nangyaring pag-atake sa lungsod ng Karbala, Iraq nitong Biyernes.

Una nang sinabi ng Iraqi security services na pumalo raw sa 12 ang napatay sa insidente, maliban pa sa ilang sugatan makaraang sumabog ang isang bus malapit sa holy city.

Ayon sa dalawang police spokesmen, sumabog ang bombang itinanim sa bus habang nasa hilagang entrance ito ng siyudad, dahilan para magliyab ang sasakyan.

Dahil dito, pinaigting ng Iraqi forces ang kanilang presensya at security measures sa paligid ng Karbala.

Kaugnay nito, sinabi ni Iraqi Prime Minister Adel Abdul Mahdi na dinakip ng security forces ang isang lalaking pinaghihinalaang nag-iwan ng bomba sa bus.

Hindi naman na nagbigay pa ng karagdagang detalye ang opisyal tungkol sa suspek.

Nangyari ang pagsabog sa panahon ng Ashoura at Arbaeen, dalawa sa mahalagang religious events para sa mga Shia Muslims.

Ang Ashoura ang ika-10 araw ng Muharram, ang unang buwan sa kalendaryong Islam, kung saan ginugunita ang kabayanihan ni Hussein, apo ni Prophet Muhammad, na nasawi sa Battle of Karbala noong 680.

Habang ang Arbaen naman ang pagtatapos ng nasabing panahon. (Al Jazeera)