Inamin ni Manila Mayor Isko Moreno na nasagasaan ang pondo ng ilan sa kanilang mga nakalatag na proyekto upang bigyang prayoridad ang COVID-19 vaccination program ng lungsod.
Una nang naglaan ng ng lokal na pamahalaan ng P250-milyon para sa pagbili ng vaccine para sa mga residente nito.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Moreno na kabilang sa mga naapektuhang proyekto ang mga pagawaing kalsada o mga road works.
Pero giit ng alkalde, mas mahalagang unahin ang kalusugan ng mga mamamayan ng lungsod at maaari namang maipagpatuloy sa susunod na mga buwan ang mga nakabinbing infrastructure projects.
Ayon pa kay Mayor Isko, tiisin na lamang daw muna kung may mga ilang parte pa ng Maynila ang mayroong lubak na kalsada.
Sinabi rin ni Moreno na handa ang Manila LGU na maglaan ng P1 bilyong pondo para sa mga bakuna kontra sa COVID-19.
Inilahad ni Mayor Isko na prayoridad ng kaniyang pamunuan ang pagtitiyak na makakapagpabakuna ang mga Manileño para masiguro ang kanilang kaligtasan at tuluyang mapigilan ang pagkalat ng sakit sa mga komunidad sa lungsod.
Kung maaalala, nangako si Moreno na mauuna siyang magpabakuna sa lungsod sakaling magkaroon na ng vaccine kontra COVID-19.
Tiniyak din ni Moreno na libreng ipamamahagi ang bakuna sa 2.5-milyong residente ng Maynila.