-- Advertisements --

Hindi umano iaatras ni Manila Mayor Isko Moreno ang kanyang executive order No. 42 na nag-aatas na hindi na mandatory ang pagsusuot ng faceshield sa Maynila.

mayor isko yorme

Ginawa ni Moreno ang pahayag sa Bombo Radyo, bilang sagot sa naging puna ni Presidential Spokesman Harry Roque na dapat sumunod ito sa “chain of command” mula sa direktiba ng pangulo o ng IATF.

Binigyang diin naman ng alkalde na iginagalang niya ang pananaw ni Sec. Roque na isang abogado, habang meron din namang sariling paniniwala siya sa kapangyarihan ng mga local government executives sa ilalim ng lcoal government code.

Ayon pa sa mayor, mananatili ang kanyang kautusan hangga’t hindi nag-uutos ang mga korte.

Muli rin namang inungkat ni Mayor Isko na matagal na niyang hinihiling sa gobyerno na aralin kung nakakatulong ba ang faceshield dahil sa maraming bansa umano sa mundo ay tila Pilipinas na lamang ang nagpapatupad nito.

Inihalimbawa din niya ang ginagastos ng mga mahihirap sa pagbili ng faceshield na wala naman daw kapararakan na minsan ay nagdudulot pa ng aksidente lalo na sa mga matatanda.

Kung maalala batay sa EO ng alkalde ang mandatory lamang sa pagsusuot ng faceshield ay sa mga ospital, medical clinics at iba pang medical facilities.

Una nang napaulat noong nakaraang linggo na maging ang mayor ng Davao at Iloilo City ay meron din kahalintulad na direktiba.