BUTUAN CITY – Maliban sa Surigao del Norte, patuloy ngayong umapela ng tulong ang probinsyal na pamahalaan ng Dinagat Islands, na nagmistula ng ghost town dahil sa lawak ng danyos na iniwan ng bagyong Odette.
Ayon kay Governor Arlene ‘Kaka’ Bag-ao, kailangan na kailangan ng kanilang isla ang tulong ng sambayanang Filipino lalo na’t paubos na ang pagkain nila at walang mabibilhan sa buong lalawigan.
As of presstime, marami pang lugar ang hindi pa rin madaanan ng sasakyan dahil sa mga natumbang poste ng kuryente at mga nabuwal na kahoy at marami pang kabahayan ang hindi pa na-repair at nalinis dahil mas inuna ng mga tao ang paghahanap ng makakain.
Sa kanyang Facebook post, ay nagpapasalamat si Gov Arlene Kaka Bag-ao kay Pangulong Rodrigo Duterte matapos siyang pinadampot ng helicopter nang magsadya ito sa mga bayan ng Loreto at Tubajon sa kanilang lalawigan upang hanapin sana ang kanyang mga kapatid at upang malaman na rin ang kalagayan ng mga mamamayan doon.
Dito na umano siya dinampot ng helicopter dahil pinapahanap ito ni Pangulong Duterte kung kaya’t nagkita sila sa Surigao City noong Sabado.
Pagkatapos ng pulong, naisip niyang, ito na ang pagkakataon, upang matawagan ang ama kung kaya’t nakarating siya ng Butuan sa kakahanap ng signal hanggang sa biglang tumawag sa kanya ang isang telco na isa rin sa naghahanap sa kanya at ipinaalam na papunta sila ng Dinagat pagkatapos nila sa Siargao para i-restore agad ang signal…
Sa ngayon ay may natanggap ng 300 sako ng bigas ang kanilang lalawigan mula sa kanyang mga kaibigan na inuwi niya sa mga mamamayan kasama na ang 5,000 mga food packs mula sa DSWD-Caraga bilang paunang tulong.
Bumisita na rin kaninang umaga sa Dinagat Islands si VIce President Leni Robredo kungsaan personal nitong nasaksihan ang lawak ng pinsalang hatid ni Odette at nalaman ang mga kakailanganing tulong ng mga tao.