Ibinunyag ni AFP chief of staff Gen. Eduardo Año na nakahanda umano si Abu Sayyaf leader Isnilon Hapilon na magbayad ng milyon-milyon sa sinumang makakatulong sa kanila para makalabas lamang ng main battle area.
Ayon kay Año, nag-offer si Hapilon na magbayad ng milyon kung sinuman ang makakapagbigay ng bangka at makakapag-guide sa kanila palabas ng war zone.
Subalit walang sinuman ang tumugon dito dahil mahigpit ang seguridad na ipinatutupad ng militar sa loob at labas ng Marawi.
Pinatitiyak din ng heneral sa mga ground commanders na huwag bigyan ng tiyansang makalabas ng Marawi ang grupo ni Hapilon.
Giit ni Año, may binitawang pangako ang militar na gagawin nila ang lahat para makuha si Hapilon buhay man o patay.
“Talagang plano ni Hapilon makalabas ng main battle area kasama yung natitira niyang tauhan at kaniyang mga pamilya, in fact nag offer pa siya na magbibigay ng milyon milyon kung sinuman ang makakapag bigay ng bangka at makakapag guide sa kanila palabas ng main battle area,” wika ni Gen. Año.