Kinumpirma ni AFP chief of staff Gen. Eduardo Año na nagawa ng mga sundalo na mapaligiran sina Isnilon Hapilon at Omar Maute matapos marescue ng mga operating units ang nasa 17 mga hostages.
Ayon kay Año, napatay umano sa matinding bakbakan sina Hapilon at Omar.
Bukod sa pagkakapatay kina Hapilon at Omar, nasa lima pang bangkay ng terorista ang napatay ng mga sundalo.
Sinabi ng heneral, resulta raw ito ng higit sa apat na oras na matinding labanan kaninang madaling araw ang pagkakapatay sa pitong terorista (body count) kabilang na dito sina Hapilon at Omar.
“Matinding bakbakan talaga, at talagang ano ‘to, Kumbaga final stand nila eh,” pagsasalarawan ni Año sa naging labanan kaninang madaling araw.
Batay sa larawang nakuha ng militar mula sa dalawang high value terrorists, sa dibdib ang tama ng bala ni Hapilon habang sa ulo naman ang tama ni Omar Maute at nagtamo din ng tama ng bala sa paa.
Sinabi ng AFP chief, alas-2:00 ng madaling araw ng Lunes nagsimula ang bakbakan at alas-6:00 ng umaga kanina natapos ang labanan kung saan higit sa apat na oras nakikipag-sagupaan ang mga sundalo sa teroristang grupo.
Hindi naman masabi ng opisyal na tuluyan nang na-wipe out ang teroristang Maute sa nangyaring matinding labanan kanina.
Binigyang-diin naman ni Año na ang pagkakapatay kina Hapilon at Omar ay indikasyon na tapos na rin ang Maute-ISIS terror group.
“This is the end of Maute group, ibig sabihin nun ito ‘yung center of gravity nila, crumble na yan lahat, kailangan talaga natin makauha itong dalawa para sigurado yung leadership tapos na,” pahayag ng heneral.