BAGUIO CITY – Aabot na sa P309.6 million ang inisyal na danyos sa sektor ng agrikultura dahil sa pananalasa ng severe tropical storm Maring sa rehiyon ng Cordillera.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Frankie Cortez, operations sections chief ng Office of Civil Defense-CAR, mahigit P32 million na ang initial damage na naitala sa produksiyon ng palay, higit P1.2 million ang initial damage sa mga high value commercial crops, habang aabot namna sa P83.7 million ang initial damage sa produksyon ng mais at P192.6 million naman sa fisheries sector.
Sa ngayon, isinasagawa na ng Department of Agriculture-CAR ang kanilang assessment at validation sa iniwang danyos ng bagyong Maring sa agri-fisheries sector.
Kasama rin sa mga inaasahang tulong na ipapamahagi nila sa mga apektadong magsasaka at mangingisda ay ang pondo mula sa Quick Response Fund ng ahensiya, mga binhi, emergency loan at iba pa.
Samantala, aabot na sa 57 mga paaralan sa rehiyon ang nakapagtala ng pagkasira dahil sa pagguho ng lupa habang aabot na sa 26 ang bilang ng mga totally-damaged houses sa Cordillera at 67 ang mga partially damaged houses.
Hiling naman ng Benguet Electric Cooperative ang pang-unawa sa mga residente ng Baguio City at Benguet na hanggang ngayon ay wala pang suplay ng koryente.
Sa ngayon, mahigit 30 na ang mga isolated areas sa Baguio-Benguet at wala pa ring suplay ng koryente kung saan mahigit na rin sa P750,000 ang pinsala sa mga nasirang poste at linya ng koryente habang patuloy ang pagsasaayos sa mga ito.
Sa latest report naman ng DSWD-CAR, 10,198 na pamilya na binubuo ng 40,904 na indibidwal ang naapektuhan sa rehiyon bunsod pa sa pananalasa ng bagyong Maring.
Sa ngayon, 10 mula sa higit 2,000 na mga evacuation centers sa rehiyon ang ginagamit ng mga lumikas na pamilya.
Agad namang nabigyan ng food packs ang mga ito mula sa DSWD at mga kinauukulang LGUs.
Isinagawa na rin nila ang psychological first aid sa mga pamilya na nawalan ng mahal sa buhay dahil sa mga magkakahiwalay na insidente ng landslide sa Baguio at Benguet kasabay ng pamamahagi nila ng financial at burial assistance sa mga ito.
Kaugnay nito pinapabilis din ngayon ang paglilinis sa mga kalsada sa rehiyon matapos maitala ang landslide at rockslide na naging dahilan ng kanilang pagsara sa mga motorista.
Sa ngayon, 14 na lamang na road sections sa Cordillera ang nananatiling closed to traffic habang bukas lahat ng mga pangunahing kalsada papasok ng Baguio City.
Patuloy din na naka-monitor ang mga concerned LGUs at government agencies sa naging epekto ng bagyong Maring sa rehiyon kasabay ng nagpapatuloy na Rapid Damage Assessment and Needs Analysis sa mga lalawigan ng Cordillera.