-- Advertisements --

Balak ng pamahalaan na magbukas ng marami pang isolation at COVID-19 beds ngayong buwan, ayon kay testing czar Vince Dizon.

Sa launching ng COVID-19 Command Center sa Makati City, sinabi ni Dizon na makakatulong para matigil ang pagkalat ng COVID-19 virus ang agresibong testing, tracing, at isolation.

Ayon kay Dizon, nakatakdang magbukas ng karagdagang 3,000 COVID-19 beds sa mga Heal as One Centers sa Metro Manila, Region III, at Region IV-A.

Kung matuloy ito, aabot na sa 6,000 ang magiging kabuuang bilang ng mga isolation beds sa naturang mga rehiyon.

Dodoble rin ang hotel rooms sa Metro Manila at iba pang mga kalapit na lugar, na nakalaan para sa COVID-19 isolation.

Samantala, pagdating naman sa treatment, sinabi ni Dizon na karagdagang 500 beds para sa COVID-19 cases ang magiging available sa East Avenue Medical Center at Quirino Memorial Medical Center.