CENTRAL MINDANAO – Kasunod nang paglobo ng COVID cases sa probinsya ng Cotabato ipinag-utos ni Governor Nancy Catamco ang mabilisang pagkilos at tiyaking handa ang mga isolation facilities at mga ospital na nasa ilalim ng kanyang pamamahala.
Ito ay bahagi ng pagtugon sa kautusan ng pamahalaang nasyunal na maging handa sa harap ng pandemya.
Sa ginanap na Management Committee meeting iniulat ni IPHO chief Dr. Eva Rabaya ang ginagawang improvement sa M’lang District Hospital.
Kaugnay nito iniulat ni acting provincial Engineer Domingo “Jun” Doyongan ang gagawin nilang construction activities kabilang na ang pagsasaayos ng kinakailangang bakod sa hospital.
Nasimulan na ng kanyang team sa pamumuno ni Engr. Gilmor Catacutan ang ground clearing.
Una nang bumisita ang gobernadora sa nabanggit na hospital upang tingnan ang mga pasilidad nito at nakipagpulong sa LGU.
Napabilang ang hospital sa mga covid isolation facility ng probinsya.
Naiulat din ng IPHO ang panibagong mga kaso ng nagpositibo sa COVID-19 kabilang na ang mga kawani ng Arakan Valley District Hospital at ang mga kaso ng localized local transmission.
Hinihiling naman ngayon ng gobernadora sa mamanayan na maging maingat sa pampublikong lugar at tiyakin na nasa mabuting kondisyon ang katawan upang labanan ang COVID-19.
Ipinag-utos din ng gobernadora sa IPHO na palakasin ang adbokasiya sa masustansyang pagkain.
“Kailangan po natin kumain gulay at tiyakin na may tamang vitamins, tulad ng vitamin C, para makaiwas sa sakit,” ayon pa sa gobernador.