Balak ngayon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na gawing national vaccination center ang kanilang staff isolation upang makatulong sa inoculation program ng pamahalaan na magsisimula sa susunod na buwan.
Ayon kay MMDA Chairman Benhur Abalos, ang 800-square meter quarantine facility ay iko-convert bilang COVID-19 vaccination center na tutulong para mapabilis ang distribusyon at pagtuturon ng mga bakuna sa oras na ito ay maging available na sa merkado.
“The MMDA quarantine facility is open for any national government agency that needs a place to efficiently roll out the anti-Covid-19 vaccination program,” saad ni Abalos.
“We are always willing to lend assistance to stop the transmission of disease at the soonest time possible so we can go back to normal again,” dagdag nito.
Matatagpuan ang 48-bed isolation facility sa headquarters ng MMDA sa Guadalupe, Makati, na nagsisilbi bilang holding area para sa kanilang mga empleyado na kinakailangang sumailalin sa 14-day quarantine sang-ayon sa mga protocols na itinakda ng Department of Health.
Dagdag pa ni Abalos, aagapay ang ahensya sa mga local government units sa Metro Manila sa vaccine logistics at equipment para sa mabilis na mobility sa buong National Capital Region.
Lahat naman aniya ng mga kawani ng MMDA ay sasailalim sa buwanang RT-PCR swab test para masiguro ang kalusugan at kaligtasan ng bawat personnel.
Una nang naglaan ang MMDA ng P20-milyon para sa pagbili ng bakuna para sa kanilang mga empleyado at isang miyembro ng kanilang pamilya.