Nagbabatuhan ng sisi ang magkabilang panig ng Israel at Hezbollah sa Lebanon ng paglabag sa ceasefire deal 3 araw mula ng ipairal ito noong Miyerkules, Nobiyembre 27.
Sa panig ng Israel military, sinabi nito na tinamaan ng kanilang air force ang pasilidad na ginagamit ng Hezbollah na imbakan ng mid-range rockets sa southern Lebanon nitong Huwebes matapos na labagin umano ang ceasefire na nagwakas sa mahigit isang taong labanan.
Sinabi din ng Israel na naglunsad ito ng pag-atake sa tinawag nilang mga suspek na may mga sasakyang patungo sa iba’t ibang lugar sa southern zone na paglabag umano sa ceasefire.
Sa panig naman ng Hezbollah, inakusahan ni Hezbollah lawmaker Hassan Fadlallah ang Israel ng paglabag sa kasunduan. Aniya, inaatake ng kalabang Israelis ang mga Lebanese na nagbabalik sa kanilang border villages.
Pinaratangan din kalaunan ng Lebanese army ang Israel ng paglabag sa tigil-putukan ng makailang beses noong Miyerkules at Huwebes.
Ang palitan ng mga akusasyon sa magkabilang panig ay nagpapakita ng kahinaan ng ceasefire na trinabaho ng US at France para mawaksan ang giyera, na nagmitsa mula sa digmaan sa Gaza.