Binomba ng Israel ang central district ng Beirut, Lebanon sa nakalipas na magdamag na kumitil sa 6 na katao.
Maliban sa nasawi, iniulat din ng Lebanese health officials na nasugatan ang nasa 7 katao sa naturang pag-atake.
Ayon sa Israel, nagsagawa sila ng precise air strike sa capital ng Lebanon at tinarget ang isang gusali sa district ng Bachoura malapit sa parliament. Ito na ang pinakamalapit na tinamaan ng air strike ng Israel sa may central downtown district ng Beirut.
Tinamaan din ng 3 missiles ang southern suburb ng Dahiyeh na nagsisilbing kuta ng Hezbollah sa southern Beirut kung saan napatay si Hezbollah leader Hassan Nasrallah noong nakaraang linggo at umalingangaw din ang malakas na mga pagsabog.
Sa katimugang bahagi ng Lebanon, nagbabala ang Israeli military nitong umaga ng Huwebes na magpapatuloy ang kanilang air strikes.
Matatandaan na sinimulan ng Israel ang ground invasion sa southern Lebanon ngayong linggo at kinumpirma kahapon na napatay ang 8 sa kanilang sundalo sa loob ng Lebanon.
Ang ground invasion at air strike ng Israel sa Lebanon ay kasunod ng pagpapakawala ng Iran ng sandamakmak na missiles sa Israel bilang ganti sa air strikes ng Israel sa southern suburbs na kumitil sa lider ng militanteng Hezbollah.