Ilang oras matapos makipag-usap ni US President Joe Biden kay Israel Prime Minister Benjamin Netanyahu, inaprubahan na ng Israel ang pagbubukas ng ilang daan para makapasok ang mga tulong na dinadala ng iba’t ibang bansa at organisasyon sa Gaza.
Pansamantala umanong bubuksan ang Erez Gate sa Northern Gaza at ang Ashdod Port para sa mga humanitarian delivery.
Habang ang mga tulong naman mula sa Jordan ay papayagang pumasok sa Kerem Shalom Crossing.
Binalaan daw kasi ni Biden si Netanyahu na dapat gumawa ito ng paraan para matugunan ang humanitarian suffering sa Gaza at wala ng madamay na sibilyan kung gusto pa nitong mapanatili ang suporta ng US sa kanilang bansa. Ito ay kasunod ng pagkamatay ng pitong food aid charity workers sa Gaza.
Nauna na ring sinabi ni US Secretary of State Anthony Blinken na magkakaroon daw ng pagbabago sa mga polisiya ng US patungkol sa giyera ng Israel at Hamas kung wala silang makikitang pagbabago sa Israel.