Kinumpirma ng Israeli Defense Forces ang pagkasawi ng 4 pang bihag sa Gaza na dinukot ng Hamas noong October 7 attack.
Natukoy ang 4 na kalalakihang nasawi na karamihan ay matatanda na sina Chaim Peri (80), Yoram Metzger (80), Amiram Cooper (84), at Nadav Popplewell (51).
Ayon kay IDF spokesperson Rear Admiral Daniel Hagari, base sa kanilang nakalap na intelligence sa mga nakalipas na linggo, napatay ang 4 habang magkakasama sa lugar ng Khan Younis sa southern Gaza nang maglunsad ng operasyon ang Israel doon laban sa Hamas.
Una rito, dinukot ang 4 na bihag mula sa kibbutzes malapit sa Gaza strip noong October 7, 2023.
Sa kasalukuyan, nasa kabuuang 1,200 katao na ang napatay ng Hamas at dinukot ang 251 bihag sa pag-atake ng Palestinian Islamist group sa katimugang bahagi ng Israel.
Nasa 105 na sibilyan ang napalaya na sa isang linggong tigil putukan noong Nobyembre.
Sa 120 na bihag na nananatiling unaccounted, marami ang pinaniniwalaang patay na.
Samantala, pumapalo nasa 36,470 katao ang nasawi sa Gaza sa loob ng halos 8 buwan ng giyera sa pagitan ng Israeli forces at militanteng Hamas.