Muling binomba ng Israeli forces ang Rafah city sa katimugang bahagi ng Gaza na kumitil sa 45 Palestino.
Ayon sa Israeli Defense Forces, nagsasagawa ang kanilang mga sundalo ng ‘precise, intelligence-based’ actions kung saan nadiskubre ang mga tunnel na posibleng kuta ng militanteng Hamas sa Rafah.
Subalit ayon sa ilang mga residente, lumalabas na tinatangka ng Israel forces na ganap na makubkob ang Rafah na may border sa Egypt at naging sentro na ng pag-atake ng Israel simula pa noong unang bahagi ng Mayo ng kasalukuyang taon.
Pinupwersa ding mapasok ng mga tangke ng Israel ang kanluran at hilagang parte ng Rafah kung saan nakubkob na ang silangan, timog at gitnang bahagi ng siyudad.
Base naman sa Gaza Health Ministry, nasa 25 Palestino ang napatay sa Mawasi sa western Rafah habang 50 katao ang nasugatan na ayon sa mga Palestino ay resulta ng pagtama ng tank shell sa isang tent na kinaroroonan ng mga pamilyang na-displace dahil sa giyera.
Sinabi naman ng Israeli military na kanila ng iniimbestigahan ang insidente at batay sa kanilang inisyal na pagsisiyasat, walang indikasyon na inilunsad ng IDF ang naturang strike sa Humanitarian Area sa Al-Mawasi.