-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nananatiling ligtas sa ngayon ang mga Pilipino sa Israel sa kabila ng mga serye ng pag-atake sa nasabing bansa matapos mapatay ng Israeli Forces ang Islamic Jihad leader na si Bahaa Abu al-Ata kabilang na ang asawa nito.

Sa ulat ni Bombo international correspondent Elvie Selario Aviador, OFW sa Tel Aviv mula sa lungsod ng Koronadal na umaabot na sa 220 rocket attacks ang naitala ng Israel Defense Forces kung saan pahayag ni Aviador na naghahanda umano ang mga kalalakihan mula sa Gaza lalo na ang mga kasapi ng Palestinian organisation na Hamas na isagawa ang panibagong planong pag-atake sa Israel.

Napag-alaman na mula nang napatay sa isinagawang surgical operation ng Israel ang terrorist leader na si Abu al-Ata ay hindi tumigil ang Hamas sa pagtarget sa Central Israel ngunit ipinasisiguro naman ng IDF na naiintercept ng iron dome ang rockets na ipinapalipad.

Ang iron dome ay isang kakaibang defense system na naka-install sa palibot ng Israel na nag-iintercept ng mga ipinapalipad na rockets at pinapasabog nito sa kalawakan bago pa man bumagsak sa target.

Ayon naman kay IDF Lt. Col Jonathan Cornicus na well equipped ang kanilang hanay at handa sa anumang banta ng giyera upang maprotektahan ang kanilang mamamayan.