Iginiit ni Israeli Ambassador to the Philippines Ilan Fluss na hindi interesado ang Israel na pumasok sa isang full-scale war kasunod ng mga pag-atake ng mga teroristang grupo sa borders nito malapit sa Lebanon at Syria.
Ito ang binigyang-diin ng Israeli envoy kasunod ng mga ulat na mayroong nagpakawala ng mga rocket missile mula sa southern Lebanon patungong Israel, bagay na ginantihan din ng pag-atake ng Israeli forces.
Ayon kay Fluss, ang Israel ay isang bansa na dumaranas ng mga banta ng terorismo, hindi lamang mula sa Hamas kundi maging sa terror organization na Hezbollah na banta sa northern border ng southern part ng Lebanon, at maging sa ilang terrorism groups sa Syria.
Ito aniya ang dahilan kung bakit hindi gugustuhin ng kanilang bansa na palalain pa ang sitwasyon doon at pumasok sa giyera laban sa mga karatig pa nitong mga bansa tulad ng Lebanon at Syria.
Kung maaalala, idineklara ng Home Front Command ng Israel ang “state of war alert” kasunod ng pinakamalaking pag-atake ng militanteng grupong Hamas sa ilang bayan sa Israel.