-- Advertisements --

Inaprubahan na ng gobyerno ng Israel ang ceasefire at hostage release deal nito sa Hamas sa Gaza.

Nagbibigay daan ito para ganap na maging epektibo na ang kasunduan bukas, araw ng Linggo, Enero 19.

Ginawa ang naturang desisyon matapos ang ilang oras na diskusyon na umabot hanggang gabi nitong Biyernes.

Nasa 2 far-right ministers naman ang tumutol sa naturang kasunduan.

Nauna na ngang inirekomenda ng Israeli Security cabinet ang pagratipika sa naturang kasunduan at sinabing sinusuportahan nila ang tagumpay ng mga layunin sa giyera, base na rin sa pahayag mula sa opisina ni Prime Minister Benjamin Netanyahu.

Sa ilalim nga ng ceasefire deal, papalayain ang 33 Israelis na bihag ng Hamas kapalit ng daan-daang Palestinong preso sa mga piitan ng Israel para sa unang bahagi ng kasunduan na magtatagal ng 6 na linggo.

Iaatras din ng Israel ang mga tropa nito mula sa Gaza, papayagan ang mga Palestinong makabalik sa kanilang mga tahanan at papahintulutan ang daan-daang humanitarian aid kada araw sa Gaza.

Magsisimula naman sa ika-16 na araw ng ceasefire ang negosasyon para sa second phase kung saan inaasahan ang full withdrawal ng Israeli troops at pagpapanumbalik ng tuluy-tuloy ng kaayusan.

Sa ikatlo at huling bahagi ng kasunduan ay ang reconstruction ng Gaza na posibleng aabutin ng ilang taon at ang pagbabalik sa mga natitirang mga labi ng mga nasawing bihag.