Ipinag-utos ng Israel military leaders sa kanilang militar ang complete siege o ganap na pagkubkob sa Gaza at pag-atake sa Hamas nang pwersahan na hindi pa nagagawa noon.
Ang hakbang na ito ng militar ng Israel ay sa gitna na rin ng pagbabanta ng militanteng grupong Hamas na kanilang papatayin ang mga bihag nilang sibilyan kapag tinarget ang Gaza ng airstrikes ng walang warning.
Sinabi din ni Israeli Defense Minister Yoav Gallant na kaniyang ipapatigil ang suplay ng kuryente, pagkain, tubig at langis sa kuta ng Palestinian militant group.
Bilang tugon sinabi naman ng tagapagsalita ng Hamas armed wing na si Abu Obaida na sisimulan nila ang pagpatay sa mga bihag na sibilyan at ibobroadcast ang naturang aksiyon kapag tinamaan ng Israel ang mga mamamayan sa Gaza.
Una ng inamin ng Hamas sa ikalawang araw ng giyera noong Linggo, na nasa mahigit 100 ang kanilang bihag sa Gaza kabilang ang matataas na opisyal ng Israeli army officers.
Makikita din sa mga video na ibinahagi ng rebeldeng grupo sa social media ang pagdukot nila sa maraming sibilyan kabilang ang mga bata.
Maliban pa sa mga bihag na Israeli, kabilang din sa mga pinaniniwalaang nasa kamay ng Hamas ang mga Amerikano, Mexican, Brazilian at Thai nationals.