Ibinunyag ng Israel ang ilalatag na bagong panukalang kasunduan nito sa Hamas para sa prisoner swap at ceasefire sa Gaza strip ayon sa Israel media report.
Kaugnay nito, nag-convene ang Israeli security cabinet para maumpisahan ang bagong inisiyatibo para sa pagpapalaya ng mga bihag na nasa Gaza.
Nagpresenta ang Israeli negotiators kay PM Benjamin Netanyahu at sa cabinet ng bagong plano na ilalatag sa Hamas sa pamamagitan ng mediators.
Hindi pa opisyal na inaanunsiyo ang bagong inisyatibo subalit napaulat na sa ilalim nito, dinedemand ng Israel na palayain ng Hamas ang mahigit 20 bihag na Israeli nationals.
Posibleng hindi kabilang sa deal ang pagpapalaya sa 40 bihag na hiniling ng Israel noong nakalipas na mga linggo.
Posibleng nakapaloob din sa panukalang kasunduan ang ilang linggong ceasefire sa Gaza strip at pag-atras ng Israeli forces mula sa Gaza sa panahon ng tigil-putukan.
Bilang kapalit naman, nakatakdang tukuyin pa ang eksaktong bilang ng mga Palestinian prisoner na papakawalan naman mula sa panig ng Israel.
Una rito, nasa tinatayang mahigit 130 pa ang mga bihag na Israelis ng Hamas sa Gaza habang nasa mahigit 9,100 palestino ang nakapiit sa mga kulungan ng Israel.