Pinanatili ng gobyerno ng Pilipinas ang Alert level 2 declaration para sa Israel kasunod ng pagganti ng pag-atake ng Iran noong weekend.
Ayon sa Department of Foreign Affairs, kinumpirma ng pamahalaan ang dating deklarasyon nito ng Alert level 2 sa estado ng Israel na nagbabawal sa pagdedeploy ng OFWs doon.
Ipinapairal ang Alert level 2 kapag ang mayroong tunay na banta sa buhay, seguridad at ari-arian ng mga Pilipino bunsod ng internal disturbance, instability o external threat.
Kaugnay nito, inirerekomenda ng PH Embassy sa Tel Aviv na ipagpaliban muna ang lahat ng non-essential travel mula sa PH patungong Israel o hanggang sa maging stable na ang sitwasyon doon.
Pinapayuhan din ang mga Pilipino na nasa Israel na maging alerto at maging updated sa security pronouncements ng kanilang gobyerno.
Para naman sa contingency planning purposes, hinihimok ang mga Pilipino na makipag-ugnayan sa kanilang overseas community leaders at sa mga embahada o konsulada ng PH.
Una ng itinaas ng DFA sa Alert level 2 ang alert status sa Israel noong Oktubre ng nakalipas na taon kasunod ng deklarasyon ng Israel ng giyera laban sa militanteng Hamas.