-- Advertisements --

Nakataas ang lebel ng kahandaan ng mga tropang sundalo ng Israel para sa inaasahang pagganti ng Iran sa kamakailang strikes nito sa Iranian missile production facilities at air defense installations ayon sa isang Israeli military source.

Sinabi din ng hindi pinangalanang Israeli military official na kasalukuyan pa nilang ina-assess ang proseso ng decision-making sa Iran para matukoy kung kailan isasagawa ang naturang retaliation.

Inihayag din nito na lumikha umano ng dilemma para sa Iran ang kamakailang strikes ng Israel sa kanilang mga pasilidad dahil napahina ang kanilang kapasidad na atakehin ang Israel at depensahan ang kanilang bansa laban sa strikes ng Israel sa hinaharap.

Una rito, napaulat noong Miyerkules na pinaplano ng Iran na magsagawa ng ‘definitive at painful’ response sa pag-atake ng Israel ayon sa isang mataas na opisyal ng Iran. Hindi naman nagbigay ng eksaktong petsa ang naturang opisyal para sa inaasahang pag-atake subalit posibleng gawin umano ito bago ang mismong araw ng presidential election sa Amerika sa araw ng Martes, Nobiyembre 5.

Nag-ugat ang planong pagganti ng Iran matapos kumpirmahin ng Israeli military na natamaan nito ang kanilang military targets sa Iran noong Oktubre 25 bilang ganti sa ballistic missile barrage na inilunsad ng Iran noong Oktubre.

Samantala, para pahupain naman ang lalo pang pagpapaigting ng aksiyon ng Iranian military, nagtungo ang matataas na opisyal ng Amerika sa Middle East ngayong linggo.