-- Advertisements --

Plano ng Israel na gumamit ng Iron Beam laser defense system para pabagsakin ang mga paparating na missiles mula sa Iran at mga kaalyado nito sa Middle east region.

Inaasahan ng Israel na magiging operational ang naturang defense system na may high-power laser sa loob ng isang taon.

Ayon sa Israel, magdadala ang bagong defense system na ito ng ‘new era of warfare’ sa gitna ng war of drones at missiles nito sa Iran at kanilang regional partners.

Gumugol ang Jewish state ng mahigit $500 million para palawigin ang produksiyon ng naturang defense system. Una ng inilahad ng Israel ang prototype ng Iron Beam noong 2021.

Ayon sa Israel Defense Ministry, target ng binansagang Iron Beams na gumamit ng high-power lasers para mapabagsak ang mga projectile kabilang ang missiles, drones, rockets at mortars.

Kumpara sa pambihirang Iron dome ng Israel, ang laser shield ay mas mura, mas mabilis at mas epektibo laban sa mga drones na makailang ulit na bigong ma-intercept o maharang ng Iron dome.