Nangako si Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu na tututulan nito ang anumang sanctions na ipapataw ng Estados Unidos sa gitna ng napaulat na plano umano ng Amerika na paghinto ng tulong nito sa isang army unit ng Israeli Defense Forces.
Una na kasing iniulat na target umano ng US na itigil ang pagbibigay ng military aid sa Netzah Yehuda battalion ng Israel kaugnay sa umano’y paglabag sa karapatang pantao sa West Bank.
Kabilang dito ang umano’y pang-aabuso sa West Bank kung saan nasawi ang 80 anyos na lalaking Palestinian-American matapos igapos at busalan ng Israeli soldiers sa isinagawang pagsalakay sa West Bank noong Enero 2022.
Kung sakali man na matuloy, ito ang unang pagkakataon na sususpendihin ng US na pangunahing kaalyado ng Israel ang tulong sa unit ng IDF.
Sa panig naman ng Israeli military, sinabi nito na nag-ooperate ang Netzah Yehuda alinsunod sa international law.
Inihayag din ng IDF na hindi nito alam ang isyu sa sanctions laban sa kanilang battalion at sinabing kanila itong iimbestigahan kung mayroon mang paglabag ang grupo.
Nanawagan naman si Israeli Defense Minister Yoav Gallant sa US na iatras ang intensiyon nitong patawan ng sanction ang Netzah Yehuda dahil nakasaksi aniya ang buong mundo sa ugnayan sa pagitan ng US at Israel.
Sinabi din ni Gallant na ang anumang pagtatangkang batikusin ang buong unit ay may masamang epekto sa mga aksiyon ng IDF at hindi rin aniya ito ang tamang landas para sa magkaibigan at mag-partner na bansa.
Inaasahan ayon sa US sources na iaanunsiyo ni Secretary of State Antony Blinken ang magiging hakbang ng Amerika laban sa Netzah Yehuda sa mga susunod na araw.