Inanunsyo ni Israel Prime Minister Benjamin Netanyahu sa pamamagitan ng isang televised speech ang pagnanais nitong makakuha ng immunity mula sa mga alegasyon laban dito.
Ang naturang hakbang ay posibleng maging daan upang madelay ang paglilitis dito hanggang sa susunod na eleksyon sa Marso.
Humaharap sa tatlong kaso si Netanyahu. Ito ang panunuhol, fraud at breach of trust. May kaugnayan ito sa di-umano’y pagtanggap nito ng mga regalo mula sa mga negosyante kapalit ng positibong press coverage.
Kakailanganin ni Netanyahu na makakuha ng kalahating boto mula sa Members of the Parliament upang payagan ang immunity na kaniyang ninanais.
Batay kasi sa batas ng Israel, hindi maaaring magsimula ang isang paglilitis kung mayroon pang nakabinbing immunity request.
Nasa ilalim din ng batas na ito na ang bawat miyembro ng Knesset ay hindi kaagad makatatanggap ng automatic immunity ngunit pwede nila itong irequest kung naaayon.