Ipinarating ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu sa buong mundo sa kaniyang pagharap sa United Nation General Assembly nitong Biyernes na ipagpapatuloy ng Israel ang pakikipaglaban sa militanteng Hezbollah at paggapi sa Hamas sa Gaza strip hanggang makamit nila ang ganap na tagumpay o total victory.
Ayon kay Netanyahu, may karapatan ang Israel na iwaksi ang ganitong banta at para maibalik ng ligtas ang kanilang mga mamamayan sa kanilang mga tahanan at ito aniya ang kanilang ginagawa.
Iginiit din ng Israeli PM na kanilang ipagpapatuloy ang pag-degrade sa militanteng Hezbollah sa Lebanon hanggang sa makamit ang lahat ng kanilang layunin.
Itinuro din ni Netanyahu ang Iran na nagiging destabilizing force sa Middle east region dahil sa pagsuporta nito sa Hezbollah at Hamas. Kaugnay nito, binalaan ni Netanyahu ang Iran na gaganti sila kapag maglulunsad ito ng strike laban sa Israel.
Dinipensahan din ni Netanyahu ang mga inilunsad na air strikes ng Israel sa Lebanon kung saan target ang lider ng grupo na si Sheikh Hassan Nasrallah.
Una ng iniulat ng Israel military na napatay ang Hezbollah leader sa kanilang inilunsad na air strike sa headquarters ng militanteng grupo sa Beirut nitong Biyernes subalit wala pang kumpirmasyon dito ang panig ng Hezbollah.
Samantala, sa labas naman ng UN General Assembly, nagsagawa ng demonstrasyon ang mga nagpoprotesta laban kay Netanyahu at sa mga polisiya ng Israel. Marami ding mga delegate ang nag-walk out nang dumating sa General Assembly si Netanyahu kabilang ang delegasyon ng Iran.
Ang pagharap nga ni Netanyahu sa UN General Assembly ay sa gitna ng ginagawang pagsisikap ng International mediators na mapigilan ang all out war kung saan una ng nanawagan ang US kasama ang iba pang kaalyadong bansa para sa 21 araw na ceasefire sa pagitan ng Lebanon at Israel.