Sinibak ng Israel Defense Forces ang 2 sa opisyal nito at ni-reprimand ang 3 iba pa sa kanilang naging papel sa drone strikes sa Gaza na kumitil sa 7 aid workers ng World Central Kitchen habang nagsasagawa ng food-delivery mission.
Sa isinagawang imbestigasyon sa naturang pag-atake, napag-alaman na hindi tama ang naging pamamahala ng nasabing mga opisyal sa mahahalagang impormasyon at nilabag ang rules of engagement ng army.
Ipinaliwanag ni IDF spokesman Rear Admiral Daniel Hagari na sa ilalim ng rules of engagement, ang mga opisyal ay dapat na mayroong mahigit sa isang dahilan bago tamaan ang isang target subalit sa imbestigasyon natukoy na inotorisa pa rin ng isang colonel ang pagpapakawala ng ilang serye ng deadly drone strikes sa convoy base sa naging obserbasyon mula sa grainy drone-camera footage na mayroong isa sa convoy ang umano’y armado subalit natuklasan kalaunan na hindi totoo.
Una ng inamin ni Hagari na isa itong trahediya at seryosong pangyayari na sila ang responsable at hindi dapat aniyang nangyari at kanilang titiyakin na hindi na mauulit pa ito.
Sa kabila ng mga ipinataw na parusa at paghingi ng tawad ng mga opisyal ng Israel sa trahediya, tila hindi pa rin napapawi ang mariing pagkondena ng international community sa pagkamatay ng mga aid worker ng non-government organization.
Samantala tumanggi naman ang Israel military na sagutin ang mga katanungan kung nagkaroon din ng kaparehong paglabag ng rules of engagement sa nagppatuloy na giyera sa pagitan ng Israel at Hamas.
Una rito, maliban sa mga napatay na sibilyan, mahigit 220 humanitarian workers na rin ang nasawi sa nagpapatuloy na conflict ayon sa United Nations.