-- Advertisements --

Sinusuri na ng Israel ang claims ng Hamas na ipinasakamay na nito sa Red Cross ang umano’y totoong labi ng napaslang na bihag na Israeli na si Shiri Bibas nitong gabi ng Biyernes, Pebrero 21.

Ito ay matapos matuklasan ng Israel sa isinagawang forensic testing na ibang labi ang itinurn-over ng Hamas noong Huwebes.

Kaugnay nito, naghahanda na ang Israeli medical authorities para magsagawa ng identification test sa oras na dumating na sa Israel ang naturang labi.

Nakikipag-ugnayan rin ang Israeli Defense Forces sa pamilya Bibas hinggil dito.

Matatandaan na nauna ng inakusahan ng Israel ang Hamas ng paglabag sa ceasefire deal matapos madiskubreng maling labi ang isa sa 4 na ipinasakamay ng Hamas.

Ipinaliwanag naman ng tagapagsalita ng Hamas na si Ismail al-Thawabta nitong Biyernes na posibleng naihalo umano ang labi ni Shiri Bibas sa ibang mga labi na nabaon sa mga gumuhong gusali matapos ang air strike ng Israel noon.

Suablit nauna ng itinanggi ng Israel ang naturang akusasyon ng Hamas at sinabing lumabas sa forensic findings sa 2 anak na batang lalaki ni Shiri Bibas na brutal silang pinaslang.