Tinamaan ng air strike ng Israel ang isang paaralan ng United Nations Relief and Works Agency for Palestine Refugees (UNRWA) sa refugee camp sa central Gaza na kumitil sa 27 katao.
Ang naturang eskwelahan sa Gaza ay nagsisilbing shelter ng daan-daang indibidwal na na-displace.
Ayon naman sa Israeli Defense Forces, inilunsad nila ang naturang pag-atake sa UN school na nagkakanlong sa Hamas compound, bagay na itinanggi ng panig ng Hamas.
Sinabi pa ng Israeli military na napatay umano nila ang Hamas at Islamic Jihad terrorists na nakibahagi sa October 7 attack sa southern Israel.
Inihayag din ng IDF na gumawa sila ng mga hakbang bago ang paglulunsad ng air strike para mabawasan ang panganib na madamay ang mga sibilyan.
Una rito, nagpakawala umano ang Israeli warplane ng 2 missiles sa mga classroom sa pinakaitaas na palapag ng paaralan sa Nuseirat refugee camp.
Isinugod naman ng rescue teams at ambulansiya ang mga nasugatan at namatay sa pag-atake sa malapit na ospital.
Nag-iwan naman ng matinding pinsala sa mga silid-aralan ang air-strike ng Israel.