-- Advertisements --

Umamin na ang Israel sa unang pagkakataon na sila ang nasa likod ng pagpapasabog sa daan-daang mga pager na ginagamit ng Hezbollah sa Lebanon.

Sa ulat mula sa Isareli media nitong Linggo, sinabi ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu sa kaniyang Gabinete na inilunsad ang beeper operation at pag-eliminate o pagpatay sa lider ng Hezbollah na si Hassan Nasrallah sa kabila ng pagtutol ng mga senior official sa security establishment at political echelon na namumuno sa kanila.

Matatandaan na noong Setyembre 17, libu-libong pagsabog ang tumama sa mga miyembro ng Hezbollah target ang kanilang pagers at walkie-talkies. Kumitil ang mga pagsabog ng 37 katao kabilang ang ilang mga bata at ikinasugat ng halos 3,000 na karamihan ay mga sibilyan na bystanders.

Ang pag-amin naman ng Israel sa pager attacks sa Lebanon ay kasunod ng pakikipag-usap ni PM Netanyahu kay US President-elect Donald Trump ng tatlong beses sa mga nakalipas na araw.

Inilarawan ni Netanyahu ang kanilang pag-uusap na isang napakaganda at napakamahalagang conversation na layuning mapalakas ang matatag na alyansa sa pagitan ng Israel at Amerika.