LAOAG CITY – Tiniyak ni Israeli Ambassador to the Philippines, His Excellency Rafael Harpaz, na mas magiging matatag pa ang relasyon ng Pilipinas at Israel.
Pahayag ito ni Harpaz sa pagbisita niya sa Lungsod ng Laoag kahapon kung saan mismong si Mayor Michael Marcos-Keon ang sumundo sa kanya sa Laoag International Airport.
Sinabi ni Harpaz na nakahanda rin ang Israel na ipakilala ang mga ginagamit nilang teknolohiya na makakatulong sa mga magsasaka sa bansa at iba pa.
Tutulungan din aniya ng Israel ang Pilipinas laban sa terorismo at mas marami pang Overseas Filipino Worker ang plano nilang mabigyan ng trabaho.
Napatunayan na raw kasi niya kung gaano kasipag at mapagkakatiwalaan ang mga Pinoy, gaya ng naging kasambahay nila na si Gemma Calapini na taga-Laoag City.
Samantala, nakatakdang bisitahin ni Harpaz ang ilan pang lugar sa bansa para alamin kung ano ang puwedeng maitulong ng Israel.