Inanunsyo ng Israeli army ngayong Linggo na magsasagawa sila ng araw-araw na “tactical pause” sa military activity sa ilang parte ng Gaza Strip tuwing umaga para mapadali ang paghahatid ng tulong.
Inihayag ng army na ang local at tactical na tigil putokan ng military activity para sa humanitarian purposes ay isasagawa mula alas-08:00 hanggang alas-19:00 araw-araw hanggang sa karagdagang abiso sa daan mula Kerem Shalom Crossing patungo sa Salah al-Din Road at northwards.
Ang desisyon ay bahagi ng mga pagsisikap na paigtingin pa ang humanitarian aid na pumapasok sa Gaza Strip kasunod ng mga talakayan sa UN at iba pang mga organisasyon.
Una nang iniulat ng World Health Organization na higit sa 8,000 bata na nasa ilalim ng limang taong gulang ang ginagamot dahil sa talamak na malnutrisyon sa Gaza.
Matatandaan din na pinipilit ng international mediators na sumang-ayon ang Israel at Hamas sa isang kasunduan na tigil-putukan na inilatag ni US President Joe Biden para mabigyang daan ang pagpapalitan ng hostage-prisoner at pataasin pa ang mga pagsisikap na makapaghatid ng tulong.