-- Advertisements --

(Update) BAGUIO CITY – Nagpapagaling na ngayon ang isang Israeli national makaraang aksidenteng mahulog sa talon at tumama ang ulo sa batuhan sa bulubunduking bahagi ng Barangay Batad sa bayan ng Banaue, lalawigan ng Ifugao noong Martes.

Kinilala ni Police Brigadier General Rolando Nana, regional director ng Cordillera PNP ang biktima na si Engineer Yossef Salomon, 57.

Batay sa imbestigasyon, ang grupo ng biktima kasama ang kanilang tour guide na si Kelly Bumanghat ay bumisita sa Tappiyah Falls dakong alas-2:45 ng hapon.

Gayunman, habang pabalik na sa Batad Rice Terraces ay nakasalubong ng biktima ang isa pang turista na pinagbig­yan nitong makadaan sa makipot na bahagi ng mabatong bundok.

Nawalan ng balanse ang biktima at bumagsak ito, anim na metro mula sa itaas na bahagi ng bundok na naging dahilan sa tinamo nitong matinding sugat sa ulo.

Nilapatan ito ng first aid at agad isinugod sa pagamutan sa Ifugao ngunit dahil malubha ang kondisyon ng turista ay inilipat ito sa Veterans Hospital sa Bayombong, Nueva Vizcaya.