Tinutulan ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu ang ideya ng ceasefire o tigil putukan sa Lebanon matapos magbanta ang militanteng Hezbollah ng pagpapalawak sa kanilang mga pag-atake.
Ginawa ng Israeli PM ang naturang pahayag kasunod din ng pinaigting pa na pressure ng Amerika kaugnay sa mga ginagawang paggiyera ng Israel sa Lebanon at Gaza kung saan binatikos din ng US ang kamakailang pambobomba sa Beirut at idinemand ang mas marami pang tulong para sa mga Palestinong naiipit sa sagupaan sa Gaza.
Sa naging pag-uusap nina French President Emmanuel Macron at Netanyahu sa isang phone call, sinabi ng Israeli PM na tutol siya sa unilateral ceasefire dahil hindi naman umano nito mababago ang security situation sa Lebanon at babalik lamang sa dati.
Iginiit din ni Netanyahu at ng Israeli military na dapat na magkaroon ng buffer zone sa may border ng Israel sa Lebanon kung saan walang presensiya ng mga Hezbollah.
Nilinaw naman ni Netanyahu na hindi ito papayag sa anumang arrangement o kasunduan na hindi maggagarantiya sa pagtatalaga ng buffer zone at hindi pipigil sa Hezbollah sa pagpapangkat-pangkat at paga-armas.
Sa panig naman ng Hezbollah, ipinunto ng kanilang deputy leader na si Naim Qassem na ang tanging solusyon lamang dito ay ang ceasefire bagamat nagbabala din ito ng pagpapalawig pa nila ng missile attacks sa Israel dahil sa pag-target umano ng kalaban nilang Israel sa lahat ng lugar sa Lebanon.