-- Advertisements --

Ginising ng malakas na pagsabog ang maraming residente sa Sharon area, Hilagang-Silangan bahagi ng Tel Aviv sa Israel.

Matapos bumagsak ang isang rocket mula Gaza Strip sa mga kabahayan ngayong araw na nag-iwan ng 7 katao sugatan.

Naging sanhi naman ito ng pag-aalala ng karamihan sa mga residente na baka may sumunod pang pag-atake bago magsimula ang Israeli election.

Dahil dito ay paiiksiin umano ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu ang kanyang pagbisita sa Washington matapos ang nangyaring pag-atake sa Israel.

Inilarawan ni Netanyahu ang pag-atake na ito bilang isang criminal attack at nangakong gaganti ito. Babalik umano ito sa Israel upang ayusin ang krisis sa kanyang bansa matapos makipag pulong kay US President Donald Trump ngayong araw.

Ayon sa Israeli military, tumama ang rocket sa ilang kabahayan na naging sanhi upang masunog ang mga ito.

Dagdag pa ng Magen David Adom rescue service, ginagamot pa nila ang pitong katao, kasama ang dalawang kababaihan na bahagyang nasugatan, dalawang bata at isang sanggol naman ang nagtamo ng maliliit na sugat.