Hinarang ng mga Israeli protester ang aid trucks patungo ng Gaza ngayong araw ng Lunes.
Ikinalat at pinagtatadyak pa ng mga ito ang mga suplay na ipapamahagi sana sa mga Palestino na naiipit ng giyera doon sa Gaza.
Nangyari ang insidente sa gitna ng pangako ng gobyerno ng Israel sa walang patid na humanitarian supplies sa naturang teritoryo.
Ayon sa abogado na kumakatawan sa mga protesters, nasa 4 na Israeli protesters ang inaresto kabilang ang isang menor de edad sa may Tarqumiya checkpoint, kanluran ng Hebron sa West Bank na okupado ng Israel.
Sa kumalat na video sa social media, makikitang pinaghahagis ng mga nagpoprotestang Israelis sa kalsada ang mga suplay mula sa truck kung saan kumalat ang mga laman ng mga nabuksang karton sa kalsada.
Noong nakalipas na linggo, nasa 4 na katao rin ang hinuli sa southern Israel matapos na magsagawa ng parehong protesta ang mga Israeli para tutulan ang paghahatid ng humanitarian supplies sa Gaza na kontrolado ng Islamist movement na Hamas.
Kaugnay ng mga insidenteng ito, naglunsad ng imbestigasyon ang Israeli police na nagresulta sa pag-aresto sa mga suspek.