-- Advertisements --

Nakatakdang mag-convene ngayong Biyernes ang Israeli Security cabinet para aprubahan ang ceasefire deal sa pagitan ng Israel at Hamas sa Gaza bago ang nakatakdang pag-implementa dito sa araw ng Linggo.

Ipinag-utos ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu ang pag-convene ng gabinete kasunod ng kaniyang pagkumpirma sa ceasefire at hostage release deal matapos ang ilang buwang negosasyon.

Nauna na ngang ipinagpaliban ni Netanyahu ang pagboto ng security cabinet hinggil sa naturang kasunduan kahapon matapos nitong akusahan ang Hamas ng pagtatangkang i-extort ang huling minuto ng negosasyon kung saan may mga ulat na hindi umano mapapalaya ang unang batch ng mga bihag hanggang sa araw ng Lunes.

Samantala, mula ng inanunsiyo ang ceasefire deal noong gabi ng Miyerkules, iniulat ng Civil Defense agency sa Gaza na 101 katao ang napatay sa Gaza Strip bunsod ng inilunsad na strike ng Israel.

Ayon kay Spokesman Mahmoud Basal, kabilang sa nasawi ang 27 bata at 31 kababaihan habang mahigit 264 katao ang sugatan.

Nitong umaga ng Biyernes, nagpapatuloy pa rin ang pambobomba sa ilang mga lugar sa Gaza Strip.