Personal na binati ni US Deputy Secretary of State Wendy Sherman si President-elect Ferdinand Marcos, Jr. sa kanilang pagpupulong nitong araw.
Dumating sa Pilipinas si Sherman mula sa kanyang tour sa ilang bansa sa Asya.
Ayon sa statement mula kay Ned Price, spokesperson ng US State Department, kabilang sa pinag-usapan ng dalawang lider ay ang usapin sa paggalang sa karapatang pantao at isyu sa rule of law sa Pilipinas.
Gayundin nasentro ang pulong sa pagpapaibayo pa ng tulungan sa ekonomiya ng dalawang bansa, gayundin ang kahalagahan sa public-private partnerships, clean energy at digital economy.
Nagkasundo naman daw ang sina Sherman at Marcos sa kahalagahan ng pagpapalakas ng U.S.-Philippine Alliance lalo na sa usapin ng seguridad upang mapaunlad pa ang Indo-Pacific region at ang mundo.
Samantala, kasama naman sa pagharap ni Marcos sa No. 2 top envoy ng Amerika ay sina Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel Romualdez, incoming Executive Secretary Vic Rodriguez, at si Department of Foreign Affairs Undersecretary Theresa Lazaro.
“I was pleased to meet and congratulate President-elect Marcos. We discussed strengthening our longstanding alliance, expanding people-to-people ties, deepening our economic relationship, advancing human rights, and preserving a free and open Indo-Pacific,” ani Sherman sa kanyang hiwalay na statement.