-- Advertisements --

DAVAO CITY – Agad na pinusasan ang mga detainee ng Sta. Ana Police Station sa kanilang posibleng paglikas matapos ang malaking sunog na nangyari sa likuran mismo ng kanilang himpilan na tumupok sa halos dalawang daang kabahayan sa Prk. 03 Isla Verde, Brgy. 23-C. Alas 11:15 a.m. nitong Huwebes.

Mabuti na lamang ay agad nakaresponde ang mga bumbero at nabuhusan ng tubig ang himpilan at paligid nito upang hindi na kumalat pa ang apoy.

Gamit ang bagong kagamitan ng 911,na tinatawag na ladder fire truck ang siyang bumuhos ng tubig sa himpapawid upang mabasa ang paligid ng himpilan ng pulisya.

Maliban sa mga bombero, laking tulong din ang mga bakhawan sa likod ng Sta. Ana Police Station na siyang nagsilbing panangga sa malalaking apoy dahil sa daming mga bahay ang natupok na puro gawa sa mga light materials.

Maliban nito, malapit din sa nasunugan ang opisina ng Comelec District Office ng Davao na isa din sa mga binantayan ng bombero para hindi matupok ng sunog.

Sa ngayon patuloy pa ang imbistigasyon ng Bureau of Fire Protection kung ano ang sanhi ng sunog na tinatayang umabot sa P2,625,000 ang danyos.