Tiniyak ni PNP Directorate for Operations Lt. Gen. Guillermo Eleazar na hihigpitan na ang inspection sa mga checkpoint.
Aniya, hindi na nila palalagpasin pa ang mga pasaway na indibidwal at mga motorista.
Sisiguraduhin din ng mga ito na ang mga hindi otorisadong pumasok sa Metro Manila ay hindi talaga makakapasok.
Nag-ikot na rin si Eleazar sa mga ipinuwestong checkpoint sa Metro Manila.
Unang pinuntahan niya ang checkpoint sa Malanday, Valenzuela.
“Dapat malaman ng publiko kung ano yung mga guidelines kung ikaw ba ay pwedeng pumasok o hindi,” pahayag ni Eleazar.
Pinaaalalahanan naman ni Eleazar ang mga pulis na panatilihin ang social distancing.
Ito ay para na rin sa kapakanan ng mga pulis na nagmamando ng checkpoint.
Aminado si Eleazar na hindi pa rin naipapatupad ng maayos ang social distancing measures.
Ang mga hindi sumusunod sa polisiya ay pababain sa sasakyan, bus o jeep.
Sinita naman ng PNP ang mga motoristang hindi nagpapatupad ng social distancing o dikit-dikit pa rin sa kanilang sasakyan.
One seat apart din dapat sa mga pasahero ng jeepney samantalang hindi dapat lumagpas sa 25 ang sakay ng isang bus.