KORONADAL CITY – Nagpapatuloy ang pag-review ng mga otoridad sa closed-circuit television camera (CCTV) footage sa nangyaring pagpapasabog sa Carlitos restaurant sa Barangay Kalawag II, Isulan, Sultan Kudarat.
Ito ay kasunod ng mga lumalabas na impormasyon na nagkunwari pa umanong bibili ng letchon manok ang suspek na nag-iwan ng bag na may lamang bomba malapit sa labas na bahagi ng restaurant.
Samantala, isinalaysay sa Bombo Radyo Koronadal ng ilang mga survivors ang kanilang karanasan nang sumabog ang bomba kung saan ilan sa miyembro ng pamilya Masundig ay tinamaan sa tiyan, balikat at may isa pang nabingi.
Ayon naman sa pamilya Malidas hindi nila inakalang mabubuhay pa sila dahil sa lakas ng pagsabog at mga tinamong sugat sa katawan.
Kung maalala bago pa pinasabugan ang nasabing restaurant ay ilang beses na ring nakatanggap nang pagbabanta ang may-ari ng kainan at hinihingan daw ng P50,000 kada buwan ng mga nagpakilalang miyembro ng Al Erhab group.
Ang naturang pangalan ay sinasabing bagong pangalan daw ng mga teroristang grupo na ngayon lamang narinig ng mga residente.
“Eh yung nangyari nasugatan yung mga kapatid ko, tatay ko, at saka ‘yung iba sa balikat, ‘yung iba dito sa tiyan, tagiliran,” ani survivor na humiling na ‘wag isapubliko ang pangalan. “Yung sumabog na bomba, maraming nasugatan, kasama ‘yung pamilya ko, kapatid ko saka itong ate ko tapos ‘yung sa operating room nanay ko.”