-- Advertisements --
Gatchalian
Sen. Sherwin Gatchalian (PRIB Photo by Albert Calvelo)

Naghain si Senador Win Gatchalian ng panukalang batas na naglalayong itatag ang archipelagic sea lane sa bansa sa gitna ng tumitinding tensyon sa pagitan ng China Coast Guard at Philippine Coast Guard (PCG) sa West Philippine Sea kasunod ng malisyosong maniobra kamakailan ng China Coast Guard kung saan gumamit pa ang mga ito ng water cannon laban sa mga sasakyang pandagat ng PCG habang ito’y nasa isang resupply mission.

Ayon kay Gatchalian, sa kanyang inihaing Senate Bill 2395 o ang Philippine Archipelagic Sea Lanes Act, na mahalagang magpasa ng batas na magtatalaga sa mga archipelagic sea lanes para sa pambansang seguridad at para maprotektahan ang interes ng bansa sa ekonomiya at kapaligiran, lalo na sa West Philippine Sea

Bukod sa pagtatatag ng mga archipelagic sea lanes, ang panukala ay naglalayon din na protektahan ang ecological integrity ng bansa sa pamamagitan ng pagbabawal sa pangingisda, marine bioprospecting, pagsasamantala sa mga yamang dagat, hindi awtorisadong pananaliksik at pagsasagawa ng survey statistics, at pagtatapon ng mga basura at iba pang nakalalasong substance.

Binigyang-diin ni Gatchalian na ang panukalang batas ay sumusuporta sa UNCLOS na kumikilala sa soberanya ng archipelagic waters at sa mga resources na nakapaloob dito.

Kamakailan lang ay pinagtibay ng Senado ang isang resolusyon na humihimok sa Department of Foreign Affairs na magsagawa ng aksyon para mabigyang pansin ng ibang mga bansa ang panggigipit ng China sa mga mangingisdang Pilipino sa exclusive economic zone ng Pilipinas.

Pinawalang bisa ng 2016 arbitral ruling ang pag-angkin ng China sa historic rights at resources na nasa loob ng nine-dash line nito.

Kinumpirma rin ng arbitral ruling ang paglabag ng China sa mga sovereign rights ng Pilipinas sa pinagtatalunang lugar gayundin ang mga obligasyon nito sa marine environmental protection sa ilalim ng UNCLOS.